2560 Leon Guinto Street

Singalong, Malate, Manila

Philippines

632-5677686

632-5597593

Buwan ng Wika 2018, Ipinagdiwang sa SSC

November 7,2018

Ipinagdiwang ng komunidad ng Kolehiyo ng Sta. Eskolastika ang Buwan ng Wika 2018 na may temang “Filipino: Wika ng Saliksik” bilang bahagi ng kanilang hangarin na itampok at paunlarin ang wikang pambansa at kilalanin ito bilang midyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang karunungan at kaunlaran.

Opisyal na binuksan ng Mataas na Paaralan ng kolehiyo ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa pamamagitan ng paglulunsad nito noong ika-15 ng Agosto sa Bulwagang Ehrentrudis. Binigyang-diin ni Dr. Jonna Marie A. Lim, Punongguro ng Mataas na Paaralan, sa kanyang pambungad na mensahe ang halaga ng Wikang Filipino sa buhay ng mga mag-aaral at kung paano ito magagamit bilang wika ng saliksik at wikang pang-akademiko.

Nagkaroon din ng iba’t ibang gawain at patimpalak na bahagi pa rin ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika mula buwan ng Agosto hanggang Setyembre.

PATIMPALAK SA PAGGAWA NG TEXTULA                         

Bilang inobasyon sa paggamit ng teknolohiya, ipinakilala ng Erya ng Filipino ang paggamit ng text messaging sa cellphone sa paggawa ng tula o TEXTula noong ika-16 at 30 ng Agosto. Bukas ang nasabing patimpalak sa lahat ng mag-aaral ng Mataas na Paaralan mula Baitang 7 hanggang 12. Nagkaroroon ng dalawang kategorya ang paggawa ng tula. Una ang paggawa ng tulang tanaga na may paksang “Pag-aagawan ng Teritoryo ng Pilipinas at Tsina” at ang pangalawa ay ang tulang dalit na may paksang “Filipino: Wika ng Saliksik”. Para sa kategorya na tulang tanaga ang nagkamit ng karangalan sa patimpalak ay sina Reya Sayat (10-Commitment), ikatlong gantimpala, Alexa Nuestro (8-Hope), ikalawang gantimpala, at Arjealene Arcilla (12-St. Julian), unang gantimpala. Nagkamit naman ng ikalawang gantimpala si Maria Alexa Vergara (11-St. Relindis) at unang gantimpala si Liezel Ann Del Rosario (12-St. Ositha) para sa katergorya sa paggawa ng tulang dalit.

TAGIS-TALINO

Nagkaroon din “Tagis-Talino” noong ika-24 ng Agosto kung saan sinubok ang kakayahan at talino ng mga piling mag-aaral na sagutin ang mga katanungang may kinalaman sa Filipino Baitang 6 hanggang 9. Nagkaroon ng tatlong bahagi ang patimpalak, pampainit, pampagana, at pagpapawis. Sa huli, ang nakakuha ng pinakamataas na puntos sa tatlong bahagi patimpalak at pitong pangkat na naglaban-laban ang itinatanghal na panalo. Nakuha nina Miah Aguirre (7-Labora), Anne Camille Samonte (8-Ora), Alexa Louise Amapara (9-Humility), at Yshelle Rainelle (10-Stewardship) ang ikatlong gantimpala. Itinanghal naman sa ikalawang gantimpala sina Mariel Borceno (7-Labora), Florence Estaño (8-Simplicity), Katrynna Mikaella Remoquillo (10-Life) at Andrea Jandayan (10-Righteousness) at ang nagkamit sa unang gantimpala ay sina Elysha Marshel Oña (7-Compassion), Alexa Nuestro (8-Hope), Faith Noreen Hocson (9-Openness), at Sophia Alexandra (10-Commitment).

LA MODA (PARADA NG KASUOTANG PILIPINO)                           

Hangarin ng La Moda 2018 na itampok ang ganda at yaman ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng magagandang kasuotan mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Isinagawa ang nasabing parada ng kasuotan noong ika-13 ng Setyembre sa Bulwagang Kuniberta na nilahukan ng mga piling mag-aaral sa bawat pangkat mula ika-7 hanggang 12 Baitang sa Mataas na Paaralan. Nagtalaga ang Erya ng Filipino ng isusuot ng bawat baitang sa La Moda. Kasuotang pang-Muslim para sa Baitang 7, baro’t saya para sa Baitang 8, kasuotang pangkatutubo o pang-Cordillera para sa Baitang 9, kasuotang pang-Maria Clara para sa Baitang 10, at para sa Baitang 11 at 12, anomang kasuotang Pilipino na kanilang naibigan. Dagdag pa, ang bawat erya ng Mataas na Paaralan ay nagkaroon ng isang gurong kinatawan para sa La Moda.

Isa-isang ibinida ng mga piling mag-aaral ang kanilang kasuotan. Hinangaan, pinalakpakan, at pinag-usapan ang husay ng mga mag-aaral sa pagrampa at pagtatampok ng kanilang kasuotang Pilipino. Sa huli, pumili ang mga hurado ng tig-isang mag-aaral sa bawat baitang at guro sa bawat erya na makakukuha ng parangal na “Natatanging Kasuotan”. Ang mga nagwagi sa mga mag-aaral ay sina Prances Jera Fernandez (7-Silence), Gwen Tongco (7-Hope), Samantha Nicole Soriente (9-Assertiveness), Patricia Yzabelle Mostiero (10-Honesty), Kirsten Cien Bermas (11-St. Mechtildis), at Maria Sofia Isable Jarin (12-St. Wivina). Para naman sa mga guro, nagwagi si Bb. Jan Alliana Rubio ng Erya ng Araling Panlipunan at G. Johan Daryll Castro para sa Erya ng Agham.

PATIMPALAK SA MABISANG KOMUNIKASYON

Bilang bahagi ng layuning magamit ang wikang Filipino bilang wika ng saliksik at malinang ang kakayahang komunikatibo ng mga mag-aaral sa Baitang 11, nagkaroon ng patimpalak ang Mabisang Komunikasyon (MabKom) na ginanap noong ika-28 ng Setyembre sa Bulwagang Ehrentrudis. Naging bukas ang patimpalak sa lahat ng pangkat sa Baitang 11. Bawat pangkat ay binubuo ng limang miyembro ngunit dalawang kinatawan lamang bawat pangkat ang papayagang magtanghal ng kanilang sinaliksik na paksa. Ang paksang tinalakay ng mga mag-aaral ay ukol sa TANGGOL WIKA.  Sa huli, nagkamit ng ikatong gantimpala ang 11-St. Hilda, ikalawang gantimpala ang 11-St. Bertilla, at unang gantimpala ang 11-St. Adelaide.

INSTITUSYUNAL NA ARAW NG WIKA AT BARRIO FIESTA

Sinimulan ang pagdiriwang ng Institusyunal na Araw ng Wika sa pamamagitan ng Misa ng Bayan na pinangunahan ni Rev. Fr. Jaime Bautista noong ika-31 ng Agosto. Matapos nito, nagkaroon ng maikling programa sa pamamagitan ng mga malikhaing presentasyon sumasalamin sa kulturang Pilipino na isinagawa ng iba’t ibang yunit ng kolehiyo. Sinundan naman ito ng isang masayang Barrio Fiesta na itinatampok ang mga pagkaing Pilipino. Natapos ang pagdiriwang sa Palarong Pinoy na nilahukan ng mga empleyado at mag-aaral ng kolehiyo. Dahil sa gawaing ito, namulat at napaunlad ang kamalayan ng bawat isa sa kultura at kaugalian ng mga Pilipino.

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay hindi lamang natatapos sa mga patimpalak at gawain tuwing buwan ng Agosto. Hindi lamang natin kinakahon ang pagpapaunlad, pagpapayaman, at pagpapayabong ng wikang pambansa tuwing buwan ng Agosto. Sa katunayan, marapat na isang buong taon nating ipagmalaki, gamitin, at mahalin ang wikang Filipino! #

ni John Carlos D. Evangelista