2560 Leon Guinto Street

Singalong, Malate, Manila

Philippines

632-5677686

632-5597593

Ang Pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Mababang Paaralan ng Sta. Eskolastica (2014)

September 13,2014

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Mababang Paaralan ng Sta. Eskolastika ay pormal na sinimulan sa pamamagitan ng paglulunsad nito noong Agosto 11, 2014 kung saan ang pag-awit ng Lupang Hinirang ay sinalimbayan ng pagtugtog ng angklung ng mga guro sa Filipino at iba pang piling guro sa mababang paaralan.

Mapaghamon ngunit matagumpay na naisagawa ng mga guro at mag-aaral sa bawat baitang ang kani-kanilang gawain na sumalamin sa tunay na galing at pagkakaisa ng lahat ng mga guro at mag-aaral  na akmang –akma lamang sa tema sa pagdiriwang sa taong ito na , “Filipino: Wika ng Pagkakaisa”.

Katunayan ng pahayag na ito ang pagpapakita ng husay sa pag-awit  ng iba’t ibang Awiting Bayan ng mga bata sa Baitang 1; Tugmang Bayan ng Kinder; Bugtungan ng Baitang 2; Patulang Pagkukwento ng mga pabula ng Baitang 3; Chamber Theater ng Baitang 4 at Madulang Sabayang Pagbigkas ng mga mag-aaral sa Baitang 5 at 6 gamit ang mga piyesa ng pagkakaisa sa panulat ni G. Pat Villafuerte.

Ang huling araw na nagbigay ng hudyat sa pagtatapos ng mga gawain para sa Buwan ng Wika ay ang pagdiriwang ng Misa ng Bayan na dinaluhan ng lahat ng mga mag-aaral, kawani, guro at ng pamunuan ng paaralan suot ang kasuotang Pilipino, ang lahat ay sama-samang nagpuri at nagpasalamat para sa mga biyayang ipinagkaloob ng Poong Maykapal lalong-lalo na sa biyaya ng pagkakaroon ng sariling wikang Filipino, ang Wika ng Pagkakaisa.

Pagkatapos ng misa, sinundan ito ng Pataluntunang Pangkultura kung saan ang lahat ng kinatawan ng bawat yunit ay naghandog ng sayaw, awit, pagbigkas ng tula at pagtugtog ng musikang tunay na Pilipino ng pangkat Rondalla.

Tunay na makabuluhan at makasaysayan ang ipinamalas na pagdiriwang ng Buwan ng Wika sapagkat winakasan ito sa pamamagitan ng masayang pagsasalo-salo ng lahat sa isang masaganang Barrio Fiesta.

Isinulat ni: Gng. Lorna Arellano
Grade School Faculty